Simula’t sapul, alam ko na. Panandalian lang siyang magiging akin. Pahiram lamang ng panahon. Patikim lamang ng tadhana.
Nangapa ako sa simula. Minsang nagkamali. Ilang ulit ko siyang nasaktan ng hindi sinasadya, pero dali-dali naman akong bumawi, at bilang ganti, ni minsan ay hindi niya ako hinayaang masaktan.
Madalas kaming maglakbay at gumala. Kung saan-saan napapadpad. Minsan na ring naligaw, subalit lagi namang nakababalik sa tamang daan at nakakarating sa paroroonan.
Marami na rin kaming nakilala’t naging kaibigan, na nakilala kami’t nakasama namin ng matagal.
Subalit ang tunay na magkaakibat ay ako at siya. Sa araw-araw naming pagkikita, pakiramdam ko’y walang hirap o pagsubok na iindahin, basta’t kami ang magkasama.
Makalipas ang ilang taon ng masaya at matiwasay na pagsasama, nagsimulang magbadya ang dating nagmamay-ari sa kanya – ang naunang magmahal sa kanya. Babawiin na raw siya sa akin. Ibalik ko na raw siya.
Ilang mga araw at linggong nangulit ang susunod sa akin, ang bagong magmamahal at mag-aalaga sa kanya.
At ngayon, nalalapit na ang panahon upang kami’y maghiwalay na ng tuluyan. Ilang araw na lamang at magpapaalam na ako sa kanya.
Ngunit bago maging ganap ang katapusan ng aming pagsasama, muli kaming maglalakbay sa huling pagkakataon.
3 comments:
Awwww. Goodbye Red :(
inuman na tayo... yan ang tamang aya pagkatapos nyang pamamaalam na yan
I got sad!! :(
Post a Comment